11.20.2011

PAMPULITIKANG SABONG


KAUGNAY sa hangaring kontrolahin ang pampulitikang pamunuan ng bansa, isang malaki at kumplikadong pagsubok ang ginawang pagsuway ni Secretary Leila Delima sa TRO na pinalabas ng Korte Suprema.

Alam ni Delima at mga kasapakat nito ang limitasyon ng batas. Pero pinilit nilang unatin upang masubukan ang templa ng opinyon publiko. Isang tantiyadong pagsubok kung papaano mag-react ang Hudikatura at Lehislatura sa isang parte. Isa rin itong pagsubok upang matantiya ang pwersang sasagupa sa susunod pang mga gagawin ng Administrayong Noynoy Aquino.

Umigting nga ang sitwasyon. Pero katulad ng isang propesyunal na snayper –epektibong natukoy ngayon ng mga “pwersang kumokontrol” ng Malakanyang ang kanilang mga kalaban.

Sa mga pangyayari, malinaw na lumutang ang batayang problema na bumabagabag sa Lipunang Pilipino –ito ang terorismo! Sistematikong pamamaslang ng komunistang CPP-NPA-NDF at MILF-ASG sa mga militar, pulis at sibilyan. Patuloy na pagsabotahe sa ekonomiya ng bansa upang maging malala ang kahirapan na siyang mitsa ng karagdagang pampulitikang mga bangayan. At sa legal na bahagi, ang lantarang paglapastangan sa Konstitusyon ng Republika sa pamamagitan ng hayagang pagyurak sa desisyon ng Korte Suprema.

Epektibong nabaling ng kalkuladong pagsubok ni Leila Delima ang mga nagbabagang usapin. Natabunan ang hinaing ng hustisya para sa 19 na sundalong pinaslang sa Basilan. Natabunan din ang pagbigay ni P-Noy ng P5milyon sa MILF at P31milyon sa RPA-ABB. Lalong hindi na rin napansin ang ibinubulgar na pagposisyon ng mga komunista sa loob ng Malakanyang at iba pang tanggapan ng pamahalaan. Parang nabale-wala na rin sa publiko ang walang kwentang peace talk sa pagitan ng Gobyerno at mga rebelde.

Ang bumalandra ngayon ay ang umaatikabong banatan sa media at social networks (sa internet) ng dilawang pwersa ni P-Noy at maka-Gloria Arroyo na mga elemento. Dalubhasang nakambyo ng kalkuladong pagsubok ni Leila Delima ang mga usapin na isa lamang bangayan ng mga magkaka-tunggali sa pulitika!

Ang pagkasa ng impeachment complaint laban kay P-Noy ay isang napakatarik na alternatibo. Labanan ito ng numero ng mga magkakampi sa Kongreso. Maliban d’yan, nangangamoy na ang halalan sa 2012 at karamihan sa mga Congressman ay nag-aalinlangan sa takot na maipit ang kanilang priority developments funds (PDAF).

Subalit, ang nagkaligtaan matantya ng kasalukuyang naninirahan sa Malakanyang ay kung ano kalalim ang ugat ng relasyon na napundar ni GMA sa AFP/PNP sa siyam na taon nitong panunungkulan bilang Presidente. Ano ang kahinatnan ng pagkahati ng opinyon ng mga Senador? Wala ngang hayagang nagma-martsa sa kalye laban sa tyopeng sabong ng Administrasyong P-Noy malawakan at malalim naman ang pagkalat ng mga impormasyon upang mamuo ang tunay na diwa laban sa terorismo at para sa responsableng pamumuno.

Sa lahat nang ito, isa lang ang nasisigurado ko –humahagalpak sa tuwa ang teroristang CPP-NPA-NDF at mga legal na prente nito kasama ang MILF-ASG! Ang anumang seryosong kampanya kontra sa Administrasyong P-Noy ay medaling markahan na “binayaran ni Gloria Arroyo”.

Kung pabayaan naman itong mga kapalpakan ng Administrasyon, sigurado – gigising tayo balang araw na mga komunistang terorista na ang may kontrol sa pampulitikang kapangyarihan ng bansa. (email: kadre_porras@yahoo.com url: www.kadreporras.blogspot.com)

ABANTE DEMOKRASYA