4.30.2010

IBASURA ANG MGA MAPAGKUNWARI


Pagkatapos ng Mayo 10, 2010 na hahalalan, mabibigyang wakas na ba ang kahirapan? Masasawata na ba ang mga magnanakaw sa lipunan? Maging makabuluhan na ba ang ‘kapangyarihan’ ng ordinaryong mamamayan? Abot kamay na lang ba ang ‘bagong pag-asa’?

Marami pang mga katanungan ang maaaring ipukol. At sigurado naman ako na ang lahat na kasagutan ay hindi pwedeng i-asa na lamang sa pangako ng mga pulitiko. Ang desaysibong kapangyarihan pa rin ay ang pagpapasya ng mga botanteng Pilipino.

Ngunit, gaano na ka-mature ang mga botanteng Pilipino? Lahat ba na mga usaping-panlipunan kaugnay sa hinaharap na halalan ay nahima-himay na sa mga botante para magkaroon ng responsible at makatarungang pag-desisyon kung sino ang iluloklok sa pwesto?

Ang batohan ng ‘putik’ ng mga estabilisadong pangalang kumakampanya ngayon ay hindi batayan na napag-usapan na ang mga malalalim na isyu sa lipunang Pilipino. Kung tutuusin, ito ay nagsisilbing tabon na lalong nagpapa-igting ng mga tunggalian sa pulitika. Ang kahinatnan nito’y hindi solusyon bagkus dagdag pang mga bangayan! Sitwasyon na naglalaway-pang-ninanais ng mga pwersang ibig sumira sa ating demokratikong sistema.

Hindi maipagkaila na ang korapsyon ay isa sa mga sanhi ng kahirapan. Ngunit, bakit habang lumalaon ay lalong lumalala ang korapsyon at kahirapan?

Ang usaping ito ay napagkaloob sa maniobrang denisenyo ng mga teroristang-komunista. Ayon kay Mao Tsetung (ang sinasambang lider ng CPP-NPA-NDF) “….poverty is bad but it is good for the revolution!” Kaya’t kung nakikita ninyo, walang patumanggang sinasabotahe ng mga grupong ito ang ekonomiya ng ating bansa para lalong malugmok sa kahirapan ang mamamayang Pilipino at umalsa laban sa gobyerno.

Pangunahing halimbawa dito ang sinapit ng Atlas Mining sa Lalawigan ng Cebu. Noong kasiglahan pa ng naturang kumpanya, meron itong 33,000 workers at nagbabayad ng halos P54M na buwis bawat taon. Pagkatapos ma-organisa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na naglunsad ng sunod-sunod na mga welga –napilitang magsara ang minahan. Hindi lamang mga minero ang naapektuhan kungdi lakip na ang mga may maliliit na negosyo sa palibot ng Atlas Mining. Ano karami ang nawalan ng mapagkitaan?

Sa Bataan Export Processing Zone (BEPZ) na noo’y merong mahigit 300 kumpanya. Iilan na lamang ngayon ang nag-o-operate matapos din ang serye ng mga strikes ng KMU.

Sa kanayunan, walang proyekto na pinapatupad ang gobyerno at pribadong sector na hindi kinukutungan ng ‘revolutionary tax’ ng CPP-NPA-NDF. Sinusunog ang mga equipments kung hindi man pinagpapatay ang mga hindi bumabayad!

Simula 1996 hanggang 2006 ang mga teroristang-komunista ay responsible sa pagsira ng mahigit 316 na estabilisadong negosyo, pagsusunog ng cell phone transmission sites, makinarya sa konstruksyon, mga bus at marami pa. Tinatayang sa 30 taon na nabanggit, trilyones ang nawala sa ekonomiya ng ating bansa.

Ito ang dahilan na maraming taga-probinsya ang tumutungo sa mga lungsod para maghanap ng trabaho. Subalit, pagdating sa syudad naging dagdag lamang sila sa halos puputok-na na lobo ng kawalan at kakulangan ng mapagtrabahuan. Dagdag na problema sa pabahay, basura at iba pang mga panlipunang suliranin.

Ito rin ang mga lehitimong social concerns ang ginagamit ng mga prenteng organisasyon ng CPP-NPA-NDF laban sa gobyerno. At sa pamamagitan ng masinop na paglubid ng mapanlinlang na mga propaganda –tuluyang discredited ang pamahalaan.

Ngayong eleksyon, karamihan sa mga kumakandidato mula konsehal ng bayan hanggang pagka-pangulo ng bansa ay kinukutungan ng NPA (sa iba’t ibang anyo) ng “permit to campaign fees”. Hayagang ekstorsyon na noong 2001, 2004 at 2007 na mga halalan tinatayang nakaipon ang CPP-NPA-NDF ng mahigit P2 bilyon na koleksyon.

Kung manatiling ganito ang sitwasyon, kahit sinuman ang uopo sa Malakanyang –manatiling mahirap umusad tungo sa makabuluhang kaunlaran ang bansang Pilipinas. Lalo na kung ang makakahawak sa renda n gating pambansang pamahalaan ay ‘kaibigan’ ng mga teroristang-komunista.

Kinakailangan ang kapayapaan para mailatag ang tamang mga imprastruktura ng pagsulong. Sa puntong ito tama ang sinasabi ni Cong. Bongbong Marcos na “…ang tuloy-tuloy na asenso ay makakamtan lamang sa determinadong pamumuno at lubos na pagkilala sa mga suliranin ng bayan….” May paala-ala naman si Cong. Jun Alcover ng ANAD Partylist “terorismo ang dahilan kung bakit lumalaganap ang kahirapan”.

Kaya’t sa eleksyong ito, hindi masasarap pakinggan na mga slogan ang kailangan. Kilatisin kung sino ang nararapat na lider at ibasura ang mga nagtatago lamang sa anino ng demokrasya para sirain ang mismong demokratikong sistemang ating kinagisnan.

ABANTE DEMOKRASYA