Mahirap nang matumbasan ang karangalan at lahat na karangyaan sa isang boksengero gaya ni Manny Pacquiao. Hindi lamang pambihirang record ang kanyang accomplishments bagkus ito’y bahagi na ng kasaysayan na patuloy pang umuusad.
Dagdag na pinahanga ako ni Congressman Pacquiao sa kanyang matatag na paninindigan laban sa RH Bill. Isang baguhang mambabatas na ang tanging puhunan ay “boxing title belts” pero matatas na nakipag-debate sa mga beteranong kinatawan gaya ni Congressman Edcel Lagman.
Pero biglang gumuho ang aking pagtingin kay Pacquiao nang ito’y ‘hayagan’ na nagpagamit sa mga militantevat makakaliwang labor organizations sa usapin ng P125-wage increase.
Sang-ayon ako na itaas ang sweldo pero dapat i-akma ito sa tamang konteksto.
Maigting na pang-ekonomiyang krisis ang dinaranas ng ating bansa. Pinalala pa ito ng mga pandaig-digang kaganapan. Pero lalo itong inaagnas ng mga anay na gustong magpabagsak sa ating republika!
Maagang bahagi ng 1970s, kinilala ang Pilipinas bilang “booming tiger economy of Asia”. Pamantay tayo noon sa iba pang umuunlad na bansa. Subalit, ang pagsulong na ito tungo sa pag-unlad ay tahasang naudlot sa pagkatatag ng maoistang CPP-NPA.
Pinakita ng mga pag-aaral, na sa maagang bahagi pa lamang ng 1980s mahigit na 4,000 mga kumpanya at negosyo ang sumara dahil sa welga ng mga militanteng unyon. Dahil din dito, mahigit 1.7 trillion dollars ang nawala sa ating ekonomiya “direct and consequential investments”. Sa panahong nabanggit, inamin ng National Security Council na “2% of our Gross Domestic Product (GDP)” ang nalulusaw dahil sa insurgency problem.
Resulta: milyon-milyon na mga Pilipino ang nawalan ng trabaho!
Sa kanayunan, hindi makakausad ang mga development projects dahil sa revolutionary taxation o ekstoryon ng mga teroristang NPA. Karamihan ngayon ng mga apektado ay damagsa sa mga urban centers (Manila, Cebu, Davao at iba pang mga lungsod) sa pag-asa na makahanap ng trabaho. Subalit – balintuna sa inaasahan, naging dagdag lamang sila sa bilang ng mga un-employed, under-employed, dagdag na iskwater at dagdag na kumplikasyon sa halos sasabog na, na lobo ng mga panlipunang suliranin!
Ang “pagbaha” ng mga unemployed at under-employed ang siyang dahilan sa paglaganap ng murang labor force. Ang dahilan: malinaw pa sa sikat ng haring araw ---TERORISMO!
Kaya, ang usapin sa pagpapataas ng sahod ay hindi mabibigyan ng sustainable solution sa pamamagitan ng paghihiyaw ng “P125 wage increase”! Habang ginagawan ng kaparaanan ang usaping ito, dapat tutukan ang pag-resolba sa pinakamatagal nang insurhensiya (42 taon) sa ating bansa.
Matoto sa mga aral ng kasaysayan, hindi na sasakay lamang sa mga maiinit na isyu upang “sumikat” pero tameme sa katotohanang ginagamit lamang kayo ng mga mapanlinlang na pwersang gustong i-knock-out ang ekonomiya upang tahasang masisira ang ating Republika! (kadre_porras@yahoo.com)
6.27.2011
Target: i-knock out ang ekonomiya!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment