9.24.2011

PEACETALK: TSOKOLATENG LIPOS NG KAMANDAG

Usapang pangkapayaan. Peace talk. Mga katagang parang musika pangkaunlaran sa pandinig. Ngunit may pag-asa ba na makamtan ang tunay na kapayapaan tungo sa pagbangon nitong nabulid na sa kahirapan nating bansa sa pag-uusap ng Pamahalaan at CPP-NPA-NDF?

Noong inumpisahan ni Pangulong Cory Aquino ang pakipagdayalogo sa mga komunista bilang bahagi ng kanyang government of peace and reconciliation, tahasang ideneklara ni Luis Jalandoni (Chief Negotiator ng NDF) na ang “…peacetalk is another form of legal struggle that must be utilized to advance the national democratic revolution….”

Nagpalit ang ilang mga Administrasyon hanggang muling naluklok ang isang Aquino muli sa Malakanyang, ganun pa rin ang linyang sinusulong ng CPP-NPA-NDF. At mas kumplikado sapagkat “pumayag” ang mga negosyador ng gobyerno na makipag-usap sa mga komunistang rebelde kahit walang DDR!

Ayon sa United Nations (UN) batay sa karanasan ng mga bansang kasapi nito, ang D-D-R ay disarmament, demobilization at reintegration. Maging matagumpay lamang ang peace talks kung ang mga rebelde ay handang magbaba ng armas upang obhetibo na mapag-usapan ang mga rekisitos tungo sa kapayapaan. Kaagapay dito ang pagtigil ng mga pangangatake at sa tamang proseso at koordinasyon sa gobyerno ang paglatag ng tamang infrastructures upang responsableng makabalik sa mainstream ng lipunan ang mga insurektos.

Subalit, balintuna sa inaasahan - ang Government of the Philippines (GPH) panel sa pamumuno ni Atty. Alex Padilla ay pumayag na manatiling armado ang NPA habang nakikipag-usap! At para malusaw ang mga pambabatikos dahil merong patakaran na “no negotiations with the terrorists” nagawan nang paraan na opisyal nang matanggal ang katawagang terorista sa CPP-NPA-NDF.

Kahit pa man sa mga development na ito, wala pa ring humpay ang armadong pananalakay ng NPA: pag-ambush sa mga sundalo at pulis; pamamaslang sa mga CAFGU at sibilyan; pang-kidnap; pangongolekta ng revolutionary taxations at panununog ng mga taxi, truck at construction equipments sa mga hindi tumalima sa ekstorsyon ng mga rebelde.

Patuloy din ang pagsampa ng CPP-NPA-NDF sa Gobyerno ng mga demands na “palayain” ang mga kasamahan nilang “political prisoners” kahit ang mga ito ay may criminal na mga kaso sa korte. Ayon sa mga komunista, marami sa mga nakukulong na ito ang bahagi ng kanilang negotiating panel bilang consultants at nakalista di-umano sa listahang nakatago sa Netherlands.

Pero noong binuksan ang pinagmamalaking “listahan saved on a diskette” ang lumabas ay machine language and jargons na kahit sino man sa panel ng CPP-NPA-NDF ay walang makaunawa!

Mabilis namang nagpalusot ang mga komunista na “nagkalabu-labo” lang daw ang files kaya bigyan pa sila ng sapat na panahon upang ma-decipher ang laman ng diskette.

Nitong huli, mukhang nagulantang (kuno) mula sa panaginip-habang-gising ang GPH panel na niluluko lamang sila ng CPP-NPA-NDF. Maari daw maantala ang peacetalks dahil sa impossible demands ng mga komunista habang walang humpay sa paglunsad ng mga teroristang gawain.

HABANG inaantabayanan ang open pronouncements hinggil sa developments na ito, sumisingaw naman ang sinyales na may under the table na mga aregluhang nagaganap.

TOTOO BA NA NAKAHANDA NA ANG MGA ISKEMA SA PAGLATAG NG COALITION GOVERNMENT WITH THE CPP-NPA-NDF? Ayon sa mga “usok” may ilang mga elemento mula sa rightist organizations na kasabwat sa balaking ito. The most “un-holy alliance” ba? Gaano ka-totoo na labas-masok sa Palasyo ng Malakanyang ang dalawang kilalang ‘legal personalities’ ng mga komunistang-terorista?

Itong mga paghahabol sa mga korap na kumakulapol sa lahat na media outlets (kasama na dyan ang mga haw shao) ay decoy lang ba sa mas malagim na pakipag-kwalisyon sa mga komunista?

Ano man ang posibleng senaryong magaganap, dapat ang mamamayang nagmamahal para sa progresibo, responsible at organisadong demokrasya ay maging mapagmatyag upang hindi nila maisalaksak sa lalamunan ng republikang ito ang tsokolateng lipos ng kamandag!

KATUPARAN NG PANLILINLANG, DAGDAG NA KAHIRAPAN!




Ang nakapang-ugat nang panlilinlang ay mahirap ng bakbakin. Minsan ang katotohanan, ang siya pang lumalabas na tsismis at ang makulay na mga lubid ng kasinungalingan ang nangingibabaw. Sa maniobrang ito dalubhasa ang mga komunistang-terorista. 42-taon na itong ginagawa ng CPP-NPA-NDF at patuloy pang yumayabong sa maselang panlipunang istruktura ng bansa.

Naglalaway ang mga komunistang-terorista na maagaw ang pampulitikang kapangyarihan. Nanggigigil na ang mga kampon ni Jose Ma. Sison na maitatag ang “pambansang kwalisyon na gobyerno” na pangungunahan ng Communist Party of the Philipines.

Pero hindi ito sa biglaang proseso. Kaya naging strategy nila ang protracted people’s war. Sa pamamagitan ng gerilyang pakikipagdigma sa Pamahalaan epektibong nasabotahe ng CPP-NPA-NDF ang pang-ekonomiyang gulugod ng bansa. Napahina ang produksyon ng pagkain sa kanayunan. Maraming mga investor ang umalis sa Pilipinas dahil sa matinding revolutionary taxations ng mga terorista.

Gamit ang legal na anyo ng pakikibaka, inorganisa ng Revolutionary Trade Union (RTU ng CPP) na ang hayag na mukha nito ay ang Kilusang Mayo Uno (KMU) ang mga manggagawa sa mga estratehikong industriya. Puhunan ang workers’ right and welfare –naghain sila ng samu’t saring di makatarungang mga demanda. Resulta: mahigit 3,500 mga kumpanya ang nagsara, milyon-milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho!

Kilusang Mambubukid ng Pilipinas (KMP) naman ang umo-organisa sa mga magsasaka. Imbes agricultural production, nahatak ang mga mambubukid sa kumplikadong mga rally at mga pampulitikang pagkilos. Resulta: ang Pilipinas na kinikilalang agricultural country kung saan 70% sa kanyang populasyon ay mga mambubukid –nakakaranas na ngayon ng kakulangan sa pagkain!

Ang mga kabataan-estudyante na itinuturing “pag-asa ng bayan” ay prayoridad ngayon sa political organizing ng mga terorista. Sentralisadong ginagabayan ito ng Kabataang Makabayan (KM) na ang legal na mukha ay ang LFS, SAMASA, CEGP at kung anu-ano pang student organizations. Imbes pag-aaral para sa kinabukasan –binababad ng mga kabataan sa mga pampulitikang pagkilos hanggang mahikayat na ang mga ito na tumungo sa kanayunan upang umanib sa NPA para isulong ang armadong rebolusyon.

Bunga ng mga nabanggit, mula 1968 taon na itinatag ang CPP hanggang maagang bahagi ng 1980s mahigit $1.7 trilyon ang nawala sa ekonomiya ng bansa. Inamin din ng National Security Council (NSC) na halos 2% ng taunang Gross Domestic Products (GDP) ang nalulusaw dahil sa insurgency.

Lahat ng mga ito ay nagdulot ng matinding kahirapan sa bansa. Lahat ito ay epekto ng terorismo. At ito rin ang mga usaping ginagamit laban sa Gobyerno. NGUNIT ANG MGA KAGANAPAN KUNG BAKIT LUMALALA ANG KAHIRAPAN AY HINDI NAPAG-USAPAN SA MAINSTREAM MEDIA. Dahil siguro takot ang mga Editor kung hindi man impluwensyado na ang kanilang mga pananaw, o pwede ring kasabwat na sila sa pagpalaganap nitong makamandag na panlilinlang ng mga komunistang-terorista!

ABANTE DEMOKRASYA