12.21.2010
MALING IMPORMASYON, ALANGANING DESISYON
Napalaya na ang “Morong 43”. Dumadagongdong ngayon ang pagbubunyi ng CPP-NPA-NDF at mga legal na prente nito. Ito’y nagpapatunay na umabot na sa panibagong antas, ang legal na pakikibaka ng maoistang kilusan. Kaya na nilang i-presyur kung hindi man paikutin-sa-palad ng kasinungalingan ang publiko at pamahalaan!
Ang 43 ka-tao na hinuli ng magkatuwang na pwersa ng Philippine Army at pulis sa Morong, Rizal ay hindi mga “inosente”. Lima sa mga ito ang boluntaryong lumagda sa affidavit na nagpapatunay na sila ay “mga aktibong kasapi at kadre ng CPP-NPA-NDF na nagsasanay bilang bahagi ng pang-organisasyong konsolidasyon ng National Medical Staff ng NPA”.
Subalit, ang mga affidavit na nabanggit ay nabale-wala. Nabasura din ang after operation report ng militar at pulisya na nagpapakita kung bakit ni-reyd, papaano at kung anu-ano ang mga nakumpiska at natuklasan sa naturang operasyon.
Gamit ang white paper theory ni Mao Zedong, epektibong nailihis ng mga komunistang nakatago sa saya ng mga katawagang “militante at progresibo” ang tunay na mga usapin. Dahil noon pa man, pinturado na -na mga “sinungaling at berdugo na bahagi ng makinarya ng estado” ang mga sundalo at kapulisan –napalutang nila na ang mga nahuli ay mga “health workers”.
At dahil mga health workers, kinakailangang palayain sapagkat ang search warrant ay depektibo! Ito rin ang batayan ng kautusan ni Pangulong Noynoy.
Pero sa kaso na isinampa nagdesisyon ang Court of Appeals na “…imprisonment is by virtue of a valid court process….”
Malinaw na itinadhana ng Konstitusyon na magkahiway na lalawigan ang Ehekutibo at Hudikatura. Nalusaw na ba ang panuntunag ito sa administrasyon ni Pangulong Noynoy?
Maliban sa mga nabanggit, hindi lamang sa pagpapalaya (ng Morong 43) ang kapanalunan ng CPP-NPA-NDF at mga legal na galamay nito. Ang epekto ng pagpapalaya sa hanay ng AFP at PNP ang s’yang hindi pa natin masusukat. Dagdag na kumplikasyon dito ang panawagan ng Minority Group (oposisyon) sa Kongreso na imbestigahan ang naturang desisyon.
Panlilinlang at pagpapa-igting ng bangayan sa pulitika ang pinaka-tumbok na adhikain ng mga komunista. Mas magulo ang sitwasyon, mas pabor sa teroristang kilusan. Kaya ang “peacetalk” na ninanais para ‘ma-resolba ang rebelyon’ ay walang patutunguhan. Ayon kay Luis Jalandoni, “…peace talk is another form of legal struggle that must be utilized to advance the national democratic revolution…..”
Asahan natin, kung mananatiling nasa bingit lagi ng pag-alinlangan ang Pamahalaan sa kampanya laban sa mga komunistang-terorista, hindi lamang sa usapin –kagaya ng Morong 43, masalikupan ng kasinungalingan ang sambayan.
Labels:
communist deception,
cpp-npa-ndf,
detention,
human rights,
morong 43
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment