2.04.2011

“TUWID NA LANDAS”: Patungo ba sa kaliwa?

SANTAMBAK ang mga maseselang usaping kumakaladkad sa sambayanan tungo sa hindi pa siguradong direksyon.

Nakikipag-usap para sa “kapayapaan” ngayon ang Gobyerno sa maoistang CPP-NPA-NDF. Ngunit ang pamamaraan ay balot ng hindi malinaw na mga pamantayan. Ayon kay Cong. Jun Alcover ng ANAD Partylist “kaduda-duda ang mga personalidad na bumubuo ng Government Panel sapagkat gaya ni Atty. Alex Padilla (Chairman) ay galing sa samahan ng mga abogadong nakahanay sa front organizations under the NDF”.

Kasama rin sa pinagdu-dudahan ni Cong. Alcover si Secretary Leila Delima ng Department of Justice na kamag-anak ni Juliet Delima –ang asawa ni Jose Ma. Sison (a.k.a Amado Guerero/Armando Liwanag) na s’yang Chairman ng maoist Communist Party of the Philippines (CPP).

Tadtad ng mga elemento mula sa “kaliwang pwersa” ang Administrasyong Noynoy Aquino. Nandiyan si Etta Rosales sa Commission on Human Rights (CHR), si Joel Rocamora sa Anti-Poverty Commission. Rolando Llamas bilang Presidential Adviser on Political Affairs at iba pa sa mga hindi gaanong pansinin na mga posisyon.

Ang tatlong nabanggit ay mga pangunahing lider ng AKBAYAN Partylist. Binuo ito noong Enero 1998 mula sa apat na makakaliwang-bloke: Bukluran para sa Ikauunlad ng Sosyalistang Isip at Gawa (BISIG); Christian socialists; social democrat group ng Pandayan, at Siglo ng Paglaya (Siglaya) –mula sa hanay ng mga rejectionist sa diktadurya ni Joma Sison. Itong panhuling grupo ay nagkawatak-watak din at ang pumalit sa loob ng AKBAYAN ay ang grupong tinaguriang Padayon.

Kahit saang anggulo sisilipin, ang mga grupong nabanggit ay panay mga MAKAKALIWA. Bagay na pinagmulan ng pagka-dismaya ng nakakarami, sa loob at labas ng Gobyerno.

Lalong umigting pa ang mga pagdududa kung saan ang tungo ng “tuwid na landas” noong pinalaya ni P-Noy ang ‘Morong 43’. Kumprehensibo ang datus ng AFP/PNP na ang mga ito ay kasapi at aktibong mga kadre sa National Health Staff ng NPA. Pinagtibay pa ito ng lima (5) sa 43 na nahuli sa pamamagitan ng boluntaryong paglagda sa affidavits na nagpapatunay na sila ay bahagi ng armadong pwersa ng teroristang NPA.

SA LAHAT ng mga “makakaliwang elemento” na ito, ang pinaka-organisado, brutal at well finance ay ang maoistang CPP-NPA-NDF. Nakalatag sa mga estratehikong sector ang kanilang mga sectoral at multi-sectoral front organizations. Ang kanilang goons (NPA) ay may kakayahang maglunsad ng kahit anumang-karahasan sa lahat ng oras.

ANG MALAKING pinagtatakahan ko ngayon ay ang “timing” ng mga pangyayari. Sabi ko nga kanina, ang pagpasok nila sa Administrasyong P-Noy ay pinagmulan ng pagka-dismaya ng nakakarami, sa loob at labas ng Gobyerno. Pero noong nag-umpisang lumutang na ang mga usapin hinggil sa infiltration ng mga makakaliwang ito in the key government positions bigla namang umiba ang senaryo sa opinyon publiko.

Naganap ang sunod-sunod na mga brutal kidnappings/carnappings. Nabunyag ang pagbili ni P-Noy ng Porsche. Binomba ang isang bus sa EDSA kung saan lima (5) ang patay at 15 ang sugatan. Sumabog ang “paba-on scandal” sangkot ang mga matataas na opisyal ng militar. Tumaas ang flag-down rate sa taxi ganun din ang presyo ng petroleum products at mga toll gate fees sa SLEX at NLEX.

Natabunan ng mga ‘headlines’ ang usapin hinggil sa pag-posisyon ng mga kaliwete sa Pamahalaan!

Ang tanong: meron bang sistematikong ‘smoke screening’ activity ang mga MAKAKALIWANG PWERSA para sa mas malaki pa nilang maniobra? O sadyang nagka-timing lamang ang mga kaganapan batay sa mas malawak na desenyo ng mga maoistang-terorista sa pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan?

Maging mapag-masid, baka ang “tuwid na landas” ay mahatak ng mga makakaliwa at mai-biglang liko sa komunistang komunoy!

-o0o-

CONGRATULATIONS kay Congressman Jun Alcover ng ANAD Partylist, nominated by GNN/Congress Magazine as one of the 30 Outstanding Congressmen of 2010. Awarding: February 16, 2011 sa Manila Garden Hotel

2 comments:

  1. Grabe pala.. panahon ata ng Evil ngun e

    ReplyDelete
  2. kasi ang kampanya noon ni Noynoy: this is a campaign between good and evil.... at ang sinumang haharang kay Noynoy ay evil!

    ReplyDelete

ABANTE DEMOKRASYA