Noong Disyembre 26, 1968, itinatag ng ilang aktibista sa pamumuno ni Jose Maria Sison, Alias Amado Guerrero at Armando Liwanag, ang Communist Party of the Philippines (CPP). Kinopya lamang nito ang mga istilo at programa ng komunistang rebolusyon sa Tsina ni Mao Ze Dong nuong 1930’s at 1940s. Iniidolo nito ang mga kaisipan at pagsusuri nina Karl Marx at Lenin na batay sa madugong paraan ng pag-agaw ng kapangyarihang estado.
Ang unang programa ng CPP ay ang pambansang demokratikong rebolusyon. Layunin nito ang pambansang pagpapalaya mula sa imperyalismo at piyudalismo. Ang ikalawang yugto naman ay ang paglalatag ng sosyalistang lipunan sa Pilipinas.
Tatlo ang sandata ng rebolusyon. Una, ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP o CPP). Ikalawa, ang Bagong Hukbong Bayan (BHB o NPA). At ikatlo ang Pambansang Demokratikong Prente o NDF. Ang Partido ang namumunong organo o utak ng rebolusyon. Ang NPA naman ang espada o kamay na bakal upang labanan at wasakin ang armadong lakas ng pamahalaan. Nagsisilbing kalasag ang NDF upang organisahin ang pinakamalawak na alyansa ng mamamayan para sa rebolusyon.
Panis na ang ideolohiyang komunismo at sosyalismo ng CPP-NPA. Malinaw ang aral sa mga karanasan ng nagdaang tatlong dekada. Masahol pa ito bilang solusyon sa sakit ng kahirapan at inhustisya na nais nitong lunasan. Sa halip na sagana, lalong pagkagutom at pagka-atrasado ang dinanas ng mga bayang napailalim sa komunistang estado. Nariyan ang mapait na kaso ng mga bayan sa dating Unyong Sobyet at Silangang Europa. Dito, laganap ang katiwalian, pagsupil sa karapatang pantao, mga panlilinlang, abuso at nepotismo.
Walang malusog na ekonomiya at pribadong negosyo ang umiral. Kontrolado ng partido komunista ang ekonomiya, media, kultura at pulitika. Marahas na sinusupil ang mga kritiko at kalayaang sibil ng mamamayan. Dalawang simbolo ang sumasagisag sa mapanupil, malupit at marahas na paghahari ng komunismo: ang Gulag archipelago sa Rusya at ang Cultural Revolution sa Tsina.
Kasunod ng People Power sa EDSA nuong 1986 ang paggiba sa paghahari ng komunismo sa Europa ng kanilang mga mamamayan. Ibinalik ang mas malayang lehislatura, eleksyon at mga demokratikong karapatan. Dahil dito, sumigla ang ekonomiya at nabuhay ang mga pribadong negosyo sa rehiyon.
Tanging ang Pilipinas at Nepal na lamang ang mga bayang may armadong komunistang rebelyon. Ang mga dating rebolusyonaryong kilusan ay namulat na sa mas mabisang paraan ng payapa at demokratikong paraan ng pagbabago.
Ligal na ang partido komunista sa Pilipinas dahil sa ‘repeal’ ng Anti-Subversion Law noong 1986. Ganunpaman, iginigiit pa rin ng CPP ang armado at marahas na paraan. Dahilan sa mga pagbabago sa pananaw at taktika, nagkawatak-watak ngayon ang kilusang komunista. Ang pinakamalakas at pinakamabangis sa lahat ay ang pakyon ni Sison, Rosal, mag-asawang Tiamzon at Satur Ocampo. Sila ang may control at naghahari sa New People’s Army at NDF.
Pumangalawa ang grupong RPP-ABB nina Nilo dela Cruz at Arturo Tabara na nakabase sa Negros at Panay. Nakipagkasundo sila sa gobyerno na “tugunan ang ugat ng kahirapan at rebelyon”.
Pumangatlo ang grupong Rebolusyonaryong Hukbong Bayan (RHB) na nasa Central Luzon, at mahigpit na karibal ng NPA sa rehiyon.
Pumang-apat ang grupong Sanlakas at BMP na nakabase sa National Capital Region. Ang pangkat na ito ay binuo ng pinaslang na si Ka Popoy Lagman na dating kasapi sa NCR CPP Regional Committee na buong-buong kumalas sa grupong Sison. Aktibo ito sa maraming hayag at legal na protesta at paglulunsad ng welga.
Ang panghuli ang AKBAYAN nina Eta Rosales, Walden Bello at Ric Reyes na tumatahak sa legal na pakikibaka.
No comments:
Post a Comment