6.05.2009
Bukas na Liham ni Lerma "Ka Liway" Bulaklak
Note: Matagal nang pinadala sa akin ang liham na ito. Kung'baga'y, mukhang naalikabukan na ito sa taguan. Muling inilathala ko ito ngayon para maging 'sulo' na sana'y makapagbigay liwanag sa mga posibleng mabiktima pa ng panlilinlang ng mga maoistang komunista...)
Ako si PFC LERMA DIA BULAKLAK tubong Guinyangan, Quezon. Isa po akong dating kasapi ng NPA na kumilos sa lalawigan ng Quezon at kilalang kilala sa tawag na KA LIWAY. Ang bukas na liham na ito ay hindi lamang po para sa aking mga dating kasamahan sa kilusan kungdi para rin po sa aking mga kababayan. Nawa ay mayroon kayong matutuhan sa aking mga naging mapait na karanasan.
Isang batang mahirap lamang ako, anak ng mga magsasaka, noong panahon na iyon, masaya ang aming pamilya kahit nakakaramdam ng pagdarahop ang naging mahalaga kami ay sama-sama. Isang araw, nabago ang takbo ng aming buhay, may dumating na mga armado sa aming barangay na inakala naming tutulong sa amin at siyang magiging instrumento ng pag-unlad ng aming buhay. Ang masakit “akala” lamang ang lahat.
Labing anim na taong gulang ako nang tuluyan na akong sumapi sa armadong kilusan, naniwala na ang rebolusyon ang magiging solusyon sa aming kahirapan. Sa loob ng anim na taon nagsilbi ako at hindi lamang ako kungdi ang aking buong pamilya sa samahan sa paniniwalang sila ang magiging katuwang namin sa aming kahirapan. Mula sa isang simpleng pulang mandirigma umakyat ako sa pinakamataas na posisyon bilang Pampulitikang Giya. Nakapag-asawa na rin ng isang armado na Kadreng Militar ng lalawigan ng Quezon.
Subalit tumagal ang panahon maraming katanungan ang umuusbong sa aking murang isipan. Pagsisilbi, pagsisilbi ang mga katagang ito ang itinanim sa aming mga isipan. “Simpleng pamumuhay, masigabong pakikibaka”. . . totoo naman namuhay kami ng simple pero sa simpleng pamumuhay na yon ultimo kakainin namin ay sa taumbayan pa namin kinukuha, mga bagay na kabalintunaan sa mga teyoryang aming pinag-aralan.
Unti-unti nagliwanag ang aking isipan, katulad ng aking kapatid na si Ka Rado/Ka Erwin na namulat sa tunay na kamulatan at sumuko sa pamahalaan. Ang aking ama na inginuso rin ng kapwa namin armado sa mga sundalo para mapatay sa isang engkuwentro. Ang lahat nang ito ay nakatulong sa aming mag-asawa para muling pag-aralan ang aming pagsapi sa kilusan.
Dahil sa mga pangyayaring nabanggit ko, tuluyan na ring nagdesisyon na sumuko at magbalik loob sa pamahalaan ang aking asawa na kilalang kilala sa Bondoc Peninsula na si Ka Eugene. Sa katotohanan, nauna ang aking asawa na magliwanag ang nagdilim na kaisipan. Una niyang nakita na malaking kahangalan lamang ang ginawa naming pagsapi sa kilusan, na walang katotohanan ang aming ipinapangako sa taumbayan, na huwad na pangarap ang aming mga sinasabing pangarap na pag-unlad sa bayan. Ang lahat ay kahungkagan.
At dahil dito gusto ko pong linawin sa taong bayan kung bakit ako umalis sa rebolusyonaryong kilusan, dahil naniwala po ako noong una na ang rebolusyon ang tanging solusyon sa pundamental na problema ng sambayang Pilipino, sumapi ako at ang aking buong pamilya.
Subalit sa loob ng anim na taong ipinamalagi ko doon napatunayan kong ang aming ipinaglalaban ay hindi para sa kapakanan ng mahirap kundi para ito sa mga pinuno lamang namin. Kaming mga armado ang gumagawa ng paraan para makapanghingi ng tulong na materyal at pinansiyal, tulong na sa aking pagkaka-alam ay dapat na mapakinabangan ng masang mahirap na aming ipinaglalaban. Pero ang tulong din na ito ay sa mismong masang mahirap na Pilipino naming kinukuha at ipinapadala sa sentro, sa nakatataas na organo. Maliwanag na hindi para sa mahirap ang aming ipinaglalaban kungdi para sa mga namumuno ng kilusan na galing sa hanay ng mga peti burgesyang pinaniwala kaming ang digmaan ang siyang solusyon sa dusta naming kalagayan.
Sa pagbabalik loob sa pamahalaan sinikap ko at ng aking asawa na makapagbagong buhay. Pumasok ang aking asawa bilang isang CAFGU upang maitaguyod ang aming pamilya nang maayos at mapayapa. Sabi nga niya masarap ipakain sa aming mga anak ang aming pinagpaguran hindi pinaghingian at pinagnakawan. Pero malupit ang kilusan, sa kabila ng katotohanang nais na naming mamuhay nang matahimik at nagsisikap sa sariling sikap hindi ito malugod na tinanggap at ikinatuwa ng dati naming mga kasamahan.
Alas siete ng gabi, FEBRUARY 5, 1994 pinasok ng dalawang kabataang lalaking armado ang aming tahanan, sa harap ng aking biyenan at dalawang anak pinaulanan na lamang ng walang patumanggang bala ng armalite ang aking asawa. Ang masakit pati na ang aking walong taong gulang na panganay ay nadamay, tinamaan ito at muntik nang mamatay. Sa tulong ng mga kasundaluhan na agad na rumesponde sa aming tahanan nadala ang aking asawa at anak sa pagamutan. Hindi na umabot nang buhay ang aking asawa sa pagamutan samantalang ang aking panganay na anak ay nakikipaglaban kay kamatayan.
Ilang araw matapos ang ginawang pagpasok at pagpatay sa aking asawa may mukha pang bumalik ang mga kasaping armado sa barangay at kinausap ang aking biyenan. Hindi daw nila ako pinatay dahil buntis ako ng walong buwan at wala daw silang intensiyon na barilin ang aking anak, nadamay na lang daw ito. Sinabi pa ng mga kasama na “PAGPASENSIYAHAN NA LANG DAW ANG PAGKAKADAMAY NG AKING ANAK SA GINAWA NILANG PAGPATAY SA AKING ASAWA.”
Ganun na lang, magpasensiya na lang daw kami at hindi nga daw sinasadya, inakala ng aking mga dating kasamahan na magsisilbing babala ito sa akin at sa aking buong pamilya. Subalit ang pagkamatay ng aking asawa ang siya ring nagtulak sa akin na patunayan sa pamahalaan ang aking pagbabago. Sa awa ng Dios nabuhay ang anak ko sa tulong na din ng mga sundalong nagdala sa amin sa V. Luna Hospital.
Inakala ng mga NPA na matatakot na akong magsalita dahil sa ginawa nila sa pamilya ko subalit ako ay lalong nagpakatatag sa aking paninindigan na harapin ang tunay na kaaway at ilantad ang buong katotohanan. Dahil kami lang na galing sa kilusan ang makakapagpatunay kung ano ang aming pinanggalingan. Kaya muli narito ako upang harapin ang magandang bukas kapiling ang aking mga anak sa kabila ng pagbabanta ng aking mga dating kasamahan. Pero nais kong iparating sa inyo na ang katotohanan ay di kinatatakutan bagkus ito ay dapat na malaman ng buong sambayanan at sana ay kapulutan ng tamang aral.
Kaya inaasahan ko na ang kasaysayan ko ay nagsisilbing hamon at gabay sa mga taong gustong magbagong buhay. Di dapat katakutan ang kamatayan, ang mahalaga tunay kang bayani ng ating bayan.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
ABANTE DEMOKRASYA
Blog Archive
-
▼
2009
(60)
-
▼
June
(11)
- Digos massacre should be an engine for peace, say...
- ORDER OF BATTLE ISSUE
- DIGOS MASAKER: 20 anyos nang naghihintay ng kataru...
- Press Statement of Samahan Ng Mga Biktima Ng Komun...
- Laak Bantay Bayan, a unified effort of LGU, DILG, ...
- Addendum to the continuing atrocities of Maoist CP...
- Maoist way of celebrating Philippine Independence:...
- HR1109 should be viewed in a wider context and not...
- Bukas na Liham ni Lerma "Ka Liway" Bulaklak
- The UNSEEN PLAN of the Puppets of MAO
- ANAD denounce the murder of Pitao’s sister
-
▼
June
(11)
No comments:
Post a Comment